Fashionista Girl

Tuesday, January 10, 2017

REYNA ESTHER

     Tinanggalan ng korona si Reyna Vasti nang sumuway siya sa utos ng hari. Ginawa ito ni Haring Asuero ayon na rin sa payo ng mga pantas upang di pamarisan si Reyna Vasti ng ibang babaeng di sumunod sa kanilang asawa. "Tipunin ninyo ang lahat ng pinakamagagandang babae sa kaharian! Isang taon natin silang aalagaan at pagagandahin dito sa harem. Dapat nang magkaroon ng bagong reyna ang hari," ang utos ng euneko.
     Isa si Esther sa mga babaeng napili at inalagaan sa harem. Pnsan siya ni Mardoqueo, isang Hudyo na may mataas na katungkulan sa bulwagan ng palasyo. Si Mardoqueo na ang nagpalaki kay Esther nang pumanaw ang ina nito. Hindi ipinaalam ni Esther kaninuman ang lahing kanyang pinagmulan bilang pagsunod sa bilin ng pinsan. Habang siya ay nasa harem ay laging inaalam ni Mardoqueo ang kanyang kalagayan.
     Nang dumating ang araw ng pagpili ng mapapangasawa ng hari ay nabighani agad siya sa kariktan ni Esther. Inibig niya agad ito nang masilayan ang walang kapantay niyang kagandahan. Si Esther ang naging kabiyak at naging bagong reyna ng hari pagkatapos ng maringal na kasalan.
     Nang minsan nasa patyo si Mardowueo ay narinig niya ang planong pagpatay ng dalawang eunikong bantay sa hari. Kagyat niyang ipinagbigay-alam ito kay Reyna Esther sa tulong ng mapagkakatiwalaang sugo. Nang malamanito ng hari pagkatapos ng masusing pagsisiyasat ay napatunayan niyang totoo ang planong pagpatay sa kanya ng dalawang bantay na galit sa kanya kaya ipinabitay niya agad sila.
     May isang punong ministro sa palasyo na nagngangalang Haman. Siya ay iginagalang ng lahat. Yumuyukod ang lahat kapag siya'y dumaraan sa kanilang harapan. Nang minsang nagdaan si Haman sa harap ni Mardoqueo upang alamin ang sumbong na natanggap niya laban kay Mardoqueo ay napatunayan niyang totoo ito. Hindi nga nagbigay-pugay sa kanya si Mardoqueo. Nagpuyos ang kalooban ni Haman lalo na nang nalaman niyang si Mardoqueo ay isang Hudyo. Binalak niyang ipabitay hindi lamang si Mardoqueo kundi lipulin ang lahi nito. Higit siyang masisiyahan kung mauubos ang lahi ni Mardoqueo.
    "Kamahalan, may isa pong pangkat sa inyong kaharian ang tahasang sumusuway sa inyong utos. Hindi po ito makabubuti para sa inyo, kaya kung inyong mamarapatin ay maglagda kayo ng utos para lipulin ang mga iyon," sumbong at hiling ni Haman sa hari nang mabuo ang kanyang maitim na balak. Pumayag ang hari. Lingid sa kaalaman ng hari na ito ay kasinungalingan lamang. Ipinamahagi ni Haman ang liham na may tatak ng singsing ng hari. Nabahala si Mardoqueo nang mabatid ang laman ng liham kaya't pinakiusapan niya agad si Reyna Esther sa tulong ng isang mapagkakatiwalaang sugo na tulungan ang kanyang mga kalahi sa hari. Subalit huli na ang lahat sapagkat natatakan na ng singsing ang sulat. Ito ay hindi na maaaring baguhin. Naitakda ang araw ng paglipol sa mga kalahi ni Reyna Esther.
     Hindi nawalan ng pag-asa sina Reyna Esther at Mardoqueo. Siya, ang pinsan, at ang kanyang mga kalahi at tatlong araw na nag-ayuno at nanalangin sa Diyos. Pagkatapos nito ay lakas-loob siyang humarap sa hari kahit bawal itong makipagkita kaninuman hangga't di niya ipinatatawag. "Ano ang iyong nais mahal kong reyna? Ipagkakaloob ko ito sa iyo," tanong ng hari sa kanya pagkatapos palambutin ng Diyos ang puso ng galit na hari nang makita ang reynang palapit sa kanyang trono.
     "Kung mamarapatin ng mahal na Hari ay nais kong anyayahan kayo at si Haman sa isang piging para sa inyong karangalan," sagot ni Reyna Esther.
     Naganap ang kahilingan ni Esther na makasalo ang hari at si Haman. Hindi na naman niya sinagot agad ang tanong ng hari tungkol sa kanyang kahilingan bagkus ay sinabi niyang sa susunod na pagtitipon na lang niya sasabihin ang nais. Gusto niyang makasama muli sa piging ang kabiyak at si Haman.
     Labis ang katuwaan ni Haman sa paanyaya sa kanya ng reyna kasama ng hari kaya ipinagmalaki niya ito sa asawa at sa mga kaibigan. Hindi na niya pinansin ang silakbo ng kanyang damdamin nang makita miya muli sa bungad ng palasyo si Mardoqueo na hindi na naman nagbigay-galang sa kanya.
     Hindi napalagay ang hari nang gabing iyon kaya ipinakuha niya ang aklat ng  mahahalagang pangyayari sa palasyo. Nabasa niya ang pagkakaligtasni Mardoqueo sa kanyang buhay mula sa tangkang pagpatay  ng dalawang kawal. Kinabukasan, tinanong niya si Haman; "Haman, kung ikaw ang hari, ano ang iyong gagawin sa isang taong nagligtas ng iyong buhay?" Iniisip ni Haman na siya ang tinutukoy ng hari kaya pinagbuti niya ang pag-iisip at nagwika; "Mahal na hari, dapat po ninyo siyang parangalan at bigyan ng pinakamataas na katungkulan sa palasyo." Nagulat na lamang siya nang malaman niyang kay Mardoqueo pala maibibigay ang puwestong iniisip niyang para sa kanya.
    Muling nagdaos ng piging ang reyna. Tulad ng dati imbitado si Haman kasama ng hari. Inulit muli ng hari ang tanong sa reyna king ano ang kanyang kahilingan. Matuwid na nagwika si Reyan Esther ng ganito; "Mahal na hari, kung inyong mamarapatin ay maililigtas mo ako at ang aking lahi sa taong nais luimipol sa amin." Tinanong si Reyna Esther ng asawang hari kung sino ang nangahas gumawa ng kanyang tinuran. Matapang niyang itinuro si Haman. Nanginig sa matinding takot si Haman pagkarinig ng kanyang pangalan mula sa galit na reyna. Dahil sa nalaman ni Haring Asuero ay napoot siya kay Haman at agad siyang ipinabitay.
     Nakaligtas ang mga Hudyo, ang lahi ni Reyna Esther sa masamang tangka laban sa kanila. Nanindigan ang lipi para sa kanilang buhat at paniniwala. Gumawa sila ng paraan upang makaligtas. Nagtiwala sila kay Yahweh at kumilos nang sama-sama.

No comments:

Post a Comment