Noong unang panahon, ang mga ahas ay malayang nakagagala saan mang dako nila gustuhin. Palibhasa'y may malalakas at makukulay na pakpak at anim na paa, ang himpapawid at kabukira'y madali nilang nalalakbay. Ang kanilang balat ay napakakinis at kaaya-ayang haplusin. Napakaamo nila at sila'y kaibigan ng lahat ng hayop na nabubuhay noon. Napakaamyos ng kanilang tila musikang tinig. Daig pa ang huni ng anumang ibon sa gubat.
Ang mga ahas ang pinakapaboritong hayop ng diwata ng kagubatan. Napakamasunurin kasi nila at matapat. Tuwang-tuwa ang diwata habang siya'y namamahinga at nakikinig sa magandang musikang hatid ng mga ahas. Kinainggitan sila ng iba pang mga hayop dahil sa pagiging malapit ng diwata sa kanila. "Mabuti pa ang mga ahas. Nakapaglabas-masok sila sa kaharian ng diwata. Alam na alam nila ang bawat sulok dito." ang naiinggit na wika ng ibang mga hayop.
May isang pinakaiingatang kahon ang diwata. Ito ay ang kahon ng kapangyarihang nakatago sa kanyang silid na may ginintuang pinto. Nang minsang umalis ang diwata upang subaybayan ang kalagayan ng kagubatan ay iniwan niya ang mga ahas upang pamahalaan ang kanyang kaharian. Bago tuluyang umalis ay nagbigay muna ng isang mahigpit na bilin ang diwata. "Maaari ninyong buksan ang lahat ng silid at magmasid sa mga ito subalit huwag na guwag kayong papasok sa silid na may ginintuang pinto. Kayo na muna ang mamahala rito," ang bilin nito.
Nilibot ng mga ahas ang palasyo upang magmasid sa lahat ng mga nagtratrabaho rito ngunit nang matapat sila sa pintong ipinagbabawal sa kanila ay hindi nila napigilan ang napakalakas na tukso ng kinang nito. "Ano kaya ang itinatago rito ng diwata? Baka may iba pang bagay rito na makadaragdag sa ating kakaibang katangian." ang sabi ng isang ahas.
Tinalo ng matinding pagnanasa ang mga ahas. Nilason na ng paghahangad sa kapangyarihan ang kanilang mga puso. Binuksan nila ang ginintuang pinto at nakita nila sa isang pedestal ang kahon ng kapangyarihan. Binuksan ng isa ang kahon at napuno ng liwanag ang buong silid. Nang kanila itong isinara ay naghintay sila ng kakaibang magaganap sa kanila subalit tila walang nangyari.
"Tulong! Tuulungan n'yo ako. Parang awa n'yo na!" ang tinig na bigla nilang narinig. Dagli silang lumipad upang sumaklolo. Nakita nila ang isang unggoy na may palaso sa dibdib. Nang haplusin ng isang ahas ang sugat nito ay kagyat itong gumaling. Namangha sila sa bagong kapangyarihan.
Nabalitaan ng buong kaharian at kagubatan ang pangyayari kaya dumagsa ang mga nasugatang hayop sanhi ng kalupitan ng ilang mangangaso at kapwa hayop na agawan ng pagkain at teritoryo. Nagalak sila sa kanilang bagong kakayahan. Hindi pa lumulubog ang araw ay marami na ang humahanga at halos sumamba sa mga ahas sa husay nila sa panggagamot. Nakita nilang puwedeng pagkakitaan ang bagong kapangyarihan kaya humingi sila ng pilak bilang kabayaran sa kanilang pagpapagaling. Pinasok na rin ng kasakiman ang kanilang puso.
Galit na galit ang diwata nang matuklasan ang pangyayari. Alam niyang nabuksan ang kahon ng kanyang kapangyarihan. "Sinuway nila ang aking mahigpit na utos. Mga lapastangan! Hanapin at iharap sila sa akin sa lalong madaling panahon!" ang galit na utos ng diwata. Nalaman ng mga ahas ang utos ng galit nga diwata kaya nagtago sila agad. Noong una'y hindi mahuli-huli ng mga inutusang hayop ang mga ahas dahil kapag nakaramdam ang mga itong dumarating ang mga darakip sa kanila'y mabilis silang tumatakbo o lumilipad papalayo. Dumating ang araw na sila'y nakatulog nang mahimbing dahil sa matingding pagod sa katatago. Dito sila natagpuan at nadakip.
"Mga traidor! Gagapang kayo sa hirap at kamumuhian kayo ng lahat ng nilalang! Ako pa rin ang pinakamakapangyarihan sa buong kaharian. Ang inyong kakayahang magpagaling ay mapapalitan ng lasong nakamamatay. Mawawala ang maganda ninyong tinig at ituturing kayong kaaway ng lahat. Hindi kayo papayagang makalapit at mamuhay malapit sa mga tao. Kung kayo ay kanilang makikita ay kikilitin agad nila ang inyong buhay, Nakatatak sa kanilang isip na kayo ay taksil at handang manuklaw anumang oras!" ang matapang na sumpa ng diwata sa mga ahas nang iharap sila sa kanya.
Dagling nawala ang malalaki at makukulay na pakpak ng nga ahas at maging ang kanilang mga paa ay naglahong parang bula pagkabigkas ng diwata ng sumpa. Ang dating makinis nilang balat ay biglang tinubuan ng makapal na kaliskis. Naglaho ang matimyas nilang tinig. Ang kanilang mga pangil ay naglalaman na ngayon ng makamandag na lason.
Hanggang ngayo'y makikita nating sila'y gumagapang at nagtatago sa mga liblib na lugar. Lagi na rin silang kinatatakutan at kinamumuhian dahil sa panganib na dala ng kanilang mga pangil. Tunay ngang walang mararating ang pagiging sakim sa kapangyarihan. Magdudulot lamang ito ng kabiguan. Sa paggapang ng ahas, ipinaaalala nito sa mga tao na hindi mabuti ang pagsuway sa mga utos, pagsira sa pagtitiwala ng kapwa, at pagkasilaw sa kapangyarihan dahil tanda ang mga ito ng kalapastanganan.
sunong awtor
ReplyDeletesinong*
ReplyDelete