May isang maralitang magkakahoy na nakatira sa tabi ng isang lawa. Isang araw habang siya'y nagpupulot ng kahoy, nabitawan niya ang kanyang palakol, Nalaglag iyon sa lawa.
"Naku! Ang aking palakol," himutok ng magkakahoy. Malamang na hindi ko na iyon makuhang muli. Iyon pa naman ang gamit ko sa aking hanapbuhay."
Mahirap na mahirap lamang ang magkakahoy. Alam niyang maaaring hindi na siya makabili ng ibang palakol. Gayon na lamang ang lungkot niya.
Nagulat ang magkakahoy nang may biglang lumitaw na lalaki sa lawa.
"Bakit ka naririto sa tabi ng aking lawa?" tanong ng lalaki sa magkakahoy.
"Nalaglag po sa lawa ang aking palakol," paliwanag ng magkakahoy. "Hindi ko po naman iyon masisid. Napakalalim po ng tubig sa lugar na ito."
"Hayaan mo at tutulungan kita," alok ng lalaki.
Sumisid ang lalaki sa lawa. Nang lumitaw, may hawak na siyang gintong palakol.
"Ito ba ang iyong palakol?" tanong ng lalaki.
"Aba! Hindi po akin iyan," mabilis na tanggi ng magkakahoy.
Muling sumisid ang lalaki sa lawa. Nang siya ay lumitaw, Nang siya ay lumitaw, isa namang palakol na pilak ang hawak-hawak niya.
Umiling ang magkakahoy. "Hindi po iyan ang aking palakol," usal niya bago pa man siya tanungin ng lalaki.
Sa ikatlong pagsisid ng lalaki, isang lumang palakol ang kanyang hawak sa paglitaw niya.
"Iyan po ang aking palakol," masayang-masayang bulalas ng magkakahoy. "Salamat po."
Napangiti ang lalaki at nagwika. "Bihira ang taong katulad mo. Sa iyo na ang mga palakol na ginto at pilak. Ang mga iyan ang gantimpala mo sa iyong katapatan." At biglang naglaho ang lalaki sa lawa.
Umuwi ang magkakahoy na tuwang-tuwa. Agad niyang ibinalita ang nangyari sa kanyang asawa.
No comments:
Post a Comment