Fashionista Girl
Monday, January 9, 2017
BAKIT KULU-KULUBOT ANG AMPALAYA?
Noong araw, ang mga gulay ay walang kulay. Pare-pareho ang kanilang hitsura. Hanggang isang engkantada ang nakakita sa kanila.
"Gusto ba ninyong magkakulay? Sumama kayo sa aming tirahan. Doon, bawat isa sa inyo ay mabibigyan ko ng kulay."
Masayang naglakbay ang engkantada at ang mga gulay.
"Ito na ang inyong bagong tahanan. Lahat kayo'y magkakaroon na ng kulay," anang engkantada.
"Salamat po, Mabuting Engkantada," sabay-sabay na wika ng nasasabik na mga gulay.
"Ikaw, Kamatis, pula ang ibibigay kong kulay sa iyo dahil pumupula ang pisngi ng taong mahilig kumain sa iyo," pakli ng engkantada.
"Gusto ko po talaga ng kulay pula," tuwang-tuwang sambit ng kamatis.
"Ikaw, Karot, taglay mo'y bitaminang panlaban sa sakit. Kulay Kahel o orange ang tama para sa iyo," nakangiting usal ng engkantada.
"Wow! Ang ganda ko na!" paulit-ulit na wika ng karot habang umiindak.
"Talong, sa tingin ko'y bagay sa iyo ang kulay ube. Tama, mula ngayon, iyan na ang kulay mo," wika ng engkantada sabay kumpas ng kanyang baston.
Makinis na ako, maganda pa ang kulay," pasayaw-sayaw na usal ng talong.
"E, ako po, Mabuting Engkantada?" tanong ng di-makahintay na amplaya.
"A, Ikaw? Berde ang kulay na angkop sa iyo," sagot ng engkantada.
"Kay gaganda ng kulay nila. Bakit berde ang ibinigay sa akin? Ayaw ko ng kulay berde. Pangit iyon," naisasaisip ng ampalaya.
"Hayan! Lahat kayo ay may kulay na. Kay gaganda ninyong tingnan. Hala, magpahinga na kayo at malapit nang dumilim," wika ng engkantada.
Agad na sumunod ang mga gulay. Wala silang kamalay-malay na may binabalak ang ampalaya.
"Hihintayin kong dumilim. Tapos, nanakawin ko ang kani-kanilang kulay. Babalik ang dati nilang pangit na hitsura. At ako lang ang matitirang may kulay," tatawa-tawang wika ng ampalaya.
Natutulog na nga ang mga gulay. Nang sila'y magising, wala na ang kanilang mga kulay.
"Hu! Hu! Hu! iyakan ng mga gulay. "Wala na ang aming magagandang kulay."
Narinig ng mabuting engkantada ang iyak ng mga gulay.
"Halika kayong lahat," tawag ng engkantada.
Pati ang ampalaya ay lumantad din. Nakita ng engkantada at ng mga gulay ang lahat ng nawalang kulay sa katawan ng ampalaya.
"Aha! Ikaw pala ang nagnakaw ng kanilang kulay," galit na sigaw ng engkantada, "Bakit? Di ba't mayroon ka namang sariling kulay?"
"Kasi hindi ko gusto ang kulay ko. Mas maganda ang kanila," sagot ng ampalaya.
"Mainggitin ka, Ampalaya. Mula ngayon babawiin ko na ang kulay na ibinigay ko sa iyo. Ikaw ang magiging pinakamaputla sa lahat ng mga gulay na narito. At dagdag na parusa, bawat kulay na aalisin ko sa katawan mo ay magiging isang kulubot. Mapupuno ng kulubot ang katawan mo," usal ng engkantada.
Napabalik sa mga gulay ang kani-kanilang kulay. Ang ampalaya? Mula noon, ito'y kulu-kulubot na at halos walang kulay!
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment