Batay sa isang alamat, noong arwa raw, magkakatabi ang limang daliri ng ating kamay. Sila ay sina Kalingkingan, Palasingsingan, Hinlalato, Hintuturo at Hinlalaki.
Minsan, nakagawa ng kasalanan si Hinlalaki. Bilang parusa, ipinasya ng ibang kapatid na ihiwalay siya sa kanila. Mula noon, lagi nilang inaapi at pinagkakaisahan ang punggok at matabang si Hinlalaki. Gayon man, hindi siya nagtanim ng sama mg loob sa mga kapatid.
Isang araw, nagbuhat ng poste si Hinlalato.
"Ang bigat! Hindi ko kaya ito. Hintuturo, Palasingsingan, Kalingkingan, tulungan n'yo akong buhatin ang posteng ito," bulalas ni Hinlalato,
Agad sumaklolo ang mga kapatid kay Hinlalato. Tulung-tulng nilang binuhat ang poste. Subalit nabigo sila dahil sobra iyong mabigat.
Samantala, hindi nakatiis si Hinlalaki na tingnan lamang ang mga hirap na hirap na kapatid. Agad siyang humawak sa poste habang ipinahahayag ang pagnanais niyang makatulong. Ayaw man, tinanggap na rin ng kanyang mga kapatid ang alok niyang tulong.
Laking gulat nina Hintuturo, Hinlalato, Palasingsingan at Kalingkingan. Naramdaman nilang gumaan ang posteng kanilang binubuhat. Naipwesto nila iyon sa tamang lugar.
"Maraming salamat, Hinlalaki," ani Hinlalato." "Kung hindi mo kami tinulungan, tiyak na hanggang ngayon hindi pa rin namin maililipat iyong poste."
"Pasensya ka na sa amin. Hindi ka namin isinasali sa aming laro," usal ni Palasingsingan.
"Oo nga. Lagi ka naming iniiwang mag-isa." wika ni Hintuturo.
"Mula ngayon kasali ka na uli sa lahat ng ating mga gagawin," pakli ni Palasingsingan.
"Yehey! Palagi na tayong magkasama!" masayang wika ni Hinlalaki.
Natanto ng limang daliri na hindi dapat masira ng hindi pagkakaunawaan ang pagiging magkakapatid nilang malapit sa isa't isa at nagtutulungan sa lahat ng oras.
No comments:
Post a Comment