Fashionista Girl
Friday, March 30, 2018
Ang Higanteng Maramot
Tuwing hapon pagkatapos ng pasukan, ang mga bata ay naglalaro sa hardin ng isang higante. Ang harding ito ay maganda at malaki. Dito makikita ang magagandang puno, magagandang bulaklak at mga ibong nag-aawitan.
"Ang saya natin dito," wika ng mga bata.
Isang araw, dumating ang higante mula sa bahay ng matalik niyang kaibigan- si Tikbalang na kasa-kasama niya ng pitong taon. Nakita niya ang mga batang nagkakatuwaan sa kanyang hardin. Galit na galit niyang nilapitan at pinaalis sa kanyang tahanan dahil kung hindi, ikukulong niya ang mga ito.
Wala nang lugar na mapaglalaruan ang mga bata. Naglaro na lamang sila sa kalsada, ngunit ito'y masyadong marumi at mabato. Bukod pa roon, maraming sasakyan ang paroo't parito. Nagkasya na lamang sila sa pagsilip sa mga rehas ng bakod ng higante.
Pagkaraan ng maraming buwan, dumating na ang oras ng pamumulaklak ngunit ang hardin ng higante ay nanatiling tuyo ang lupa at lanta ang mga punong-kahoy at halaman. Wala nang kumakantang mga ibon sapagkat wala na ang mga bata at kahit isang puno ay ayaw na ring mamunga.
Tanging nasisiyahang tyanak at dwende na lamang ang naroroon. At dahil dito, wala na ring mga taong nagagandahan sa hardin.
Ipinagtaka ng higante ang hindi pamumulaklak ng kanyang mga halaman, ang pamumunga ng kanyang mga puno at higit sa lahat ang pagkawala ng mga ibong siyang nagbibigay-aliw sa kanyang hardin.
Hindi na dumating ang oras ng pamumulaklak ng mga puno, gustuhin man niyang humingi ng mga bulaklak sa iba ay hindi na rin siya binibigyan dahil galit na rin ang mga ito sa kanya. Kaya naman, ang tanging nakikita na lamang niya ay ang padilim na padilim na hardin dahil sa patuloy na pagtubo ng mga baging at talahib na mas lalong nagpapangit dito.
Isang araw, sa kanyang paggising ay nakarinig siya ng isang himig na mala-anghel sa ganda. "Ito na marahil ang hinihintay ko-ang oras ng pamumulaklak ng aking mga puno." mabilis na wika ng higante.
Patakbo siyang lumabas sa kanyang kwarto at namangha siya sa kanyang nakita. Ang kanyang hardin ay tila paraiso sa ganda. Ang mga puno ay masasayang naghaharutan kasama ang mga ibong nagliliparan. Ang mga lantang bulaklak ngayo'y idinuruyan ng hangin. At sa gitna nito ay naroon ang isang batang nagmamay-ari ng mala-anghel na boses, nakaupo at masayang pinagmamasdan ang nangaroong makukulay na halaman.
Sadyang napakagandang pagmasdan ngunit ang kanyang ipinagtataka ay kung bakit sa isang bahagi ng hardin ay naroon pa rin ang mga punong balot ng mga baging. Ngunit sa kabila ng kapangitan nito ay isang bata ang nagpupumilit na umakyat sa itaas pero sa kasamaang palad ay pinagkaitan ng mga baging na naroon sa katawan ng puno.
Dito napagtanto ng higante ang kanyang kamalian, ang kanyang pagiging maramot sa mga bata. Ang mga batang nagbibigay-aliw sa kanyang mga halaman kung kaya't walang sawang namumulaklak ang mga ito.
Kaagad na winasak ng higante ang malaki at mataas na pader ng kanyang tirahan upang ang mga kabataan ay muling makapasok dito at makapaglalaro sa kanyang hardin.
Araw-araw, naglalaro ang mga bata. Isang gabi habang sila ay nagpapaalam sa higantge, napansin nitong wala na ang batang maliit na tinulungan niya sa pag-akyat sa puno. Hinanap niya ito. Nagtanong-tanong siya sa kanyang mga kapit-bahay, ngunit hindi rin nila ito nakita. Hanggang sa siya ay tinubuan na ng mga uban sa paghihintay sa muling pagbabalik nito sa kanyang hardin.
Isang hapon, malungkot na nakaupo ang higante. Laking gulat niya ng makita ang isang punong nagliliwanag sa mga alitaptap at humahalimuyak dahil sa mga bulaklak. Sa ibaba nito ay naroon ang batang matagal at matyaga niyang hinihintay, nakaupo.
Tumakbo siyang palabas at lumapit sa bata. Laking gulat niya nang makita ang mga dugong dumadaloy sa mga palad nito, na tila sugat ng pagkakapako. Galit na galit siya sa kanyang nakita. Nais niyang sugurin ang may gawa nito nang biglang nagwika ang bata. "Ang sugat na ito ay tanda ng aking pagmamahal."
"Sino ka?" paiyak na wika ng higante, sabay luhod at yakap sa batang nasa kanyang harapan.
"Pinaglaro mo ako sa iyong hardin noon. Ngayon, ikaw naman ang isasama ko sa aking hardin sa dako roon," tanging sagot ng bata sa higante.
Kinabukasan ay natagpuan ng mga bata ang higante na mapayapa at nakangiting nakahiga sa tabi ng isang puno.
Aral na napulot:
Ang pagiging mapagbigay sa kapwa ay nagdudulot ng kaligayahan sa puso.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment