Fashionista Girl

Tuesday, January 10, 2017

BAKIT MADILIM KUNG GABI

          Isang araw ay nilapitan ni buwan si Araw. Napansin niyang malungkot ang hari ng liwanag. Si Buwan ay wala pang liwanag noon. Isa lang siyang maliit na batong bilog na umiikot sa daigdig.
          “ Bakit ka nalulungkot, Araw?” tanong niya.
          “ Mayroon ka bang problema?”
          “ Malaki,” sagot ni Araw. “Gusto ng Hari na pumunta rin ako sa kabilang panig ng daigdig para bigyan ng liwanag at init ang mga nakatira doon.
          “Ano ang problema? Bakit hindi ka pumunta doon!” sabi ng buwan.
          “Kapag nagpunta ako sa kabilang panig ng daigdig, mawawalan naman ng ilaw ang mga tao rito. Kawawa naman sila.”
          Napatango si Buwan. Problema ngang malaki iyon. Mabait pa naman si Araw kaya ayaw nitong mawalan ng liwanag ang mga taong tinatanglawan nito. Napansin niyang nakatitig sa kanya si Araw.
          “ Bakit mo ako tinititigan?” tanong niya.
          “ Makikislap pala ang bato mo, Buwan,” sabi ng Araw.
          “ Oo nga. Ano ang ibig mong sabihin?”
          “ Kung gugustuhin mo pala ay maari ka ring magbigay ng liwanag ng mga tao. Gusto mo, bibigyan kita ng liwanag ko at ikaw muna ang maiwan dito habang naroon ako sa kabilang panig ng mundo?
          Mabilis na pumayag si Buwan. Gusto kasi niyang matulungan si Araw sa problema nito.
          “ Ok sa akin ang ideya mo. Saka nakakaawa naman ang mga taong walang maiiwang liwanag sa kanila.
          Noon din ay binigyan ni Araw ng liwanag si Buwan. Si Araw naman ay nagtungo na sa kabilang panig ng daigdig para sundin ang utos ng Hari.
          Naiwan si Buwan sa dating puwesto ni Araw. Pero dahil napakaliit ni buwan, ang kianyang init ay hindi maramdaman ng tao. At ang kanyang liwanag ay kulang para maging maliwanag na maliwanag. Gayunman ay sapat naman ang liwanag para Makita ang tao ang kanyang paligid.
          Mula noon, ang mga sandaling wala si Araw ay tinawag na gabi.

No comments:

Post a Comment