Fashionista Girl

Friday, January 6, 2017

Maikling Kwento

Matulunging Bata

     Ang mabait, masipag, maalalahanin at mapagmahal na bata ay tumutulong nang kusa sa bahay, di lamang para sa sarili kundi pati sa mga magulang at mga kapatid.
Para sa aking sarili, ay inilalagay ko sa kanya-kanyang lalagyan ang lahat ng aking gamit sa paaralan, sa bahay at sa iba pa. Sa ganito, ay hindi ako maghahanap at mag-aaksaya ng panahon lalo na kung nagmamadali ako.

     Hindi na rin ako makagagalitan. Laging nasa lugar ang mga libro, notebook, lapis, pentelpen, pad paper, school bag, payong, sapatos, at lahat-lahat na. Walang kakalat-kalat.
Sa Kuya at Ate ay tumutulong din ako lalo na kung sila ay abalang-abala sa ibang gawain. Pagdating nila mula sa paaralan ay sasalubong na ako sa hagdan pa lamang, upang kunin ang kanilang gamit at ilalagay ko na sa kani-kanilang lalagyan. Kapag nagpuputol ng panggatong ang Kuya ko, ay iniaakyat ko na ang maliliit na piraso. Sa Ate naman, kapag nagwawalis, ay kukunin ko ang basahan at ako na ang magpupunas sa mga mesa at upuan.

     Si Tatay at Nanay ay wala; sila ang gumagawa para sa amin. Ay, mayroon pala. Sabi ng Nanay na malaking tulong daw sa kanila ni Tatay kung ako, kaming magkakapatid, ay masunurin, masipag, magalang at malinis. Natutuwa daw sila at hindi raw nila nararamdaman ang pagod, at nagpapasalamat pa sa Panginoon.

     Kaya naman maingat kami sa damit upang di sobrang marumi ang lalabhan. Takbo ako agad sa pagtulong kung kaya ko rin lamang gaya ng paghahanda sa hapag-kainan, pag-urong ng mga ito pagkatapos, paghugas at pagligpit.
Ang dami, ano? Pagnakagawian na ay walang mahirap. At napakasarap pang pakiramdaman at pakinggan ang, "Ay salamat! Mabait at matulungin ang aking anak!"



Ang Nawawalang Prinsesa

     Nawawala ang prinsesa gabi-gabi ngunit, walang makapagsabi kung saan siya pumupunta.
Nagpabalita na ang hari na ang sinumang makapagtuturo kung saan tumitigil ang anak tuwing hating-gabi ay bibigyan ng kalahati ng kaharian at, kung binata, ay ipakakasal sa prinsesa. Ngunit, kapag nabigo ang nagprisintang magbabantay, pupugutan siya ng ulo.

      Marami ang nagtangkang makipagsapalaran hindi lamang dahil sa kayamanang matatamo kundi dahil sa napakaganda raw ng prinsesa. Ang lahat ng mga ito ay nabigo. Wala pa ring makapagsabi kung bakit nawawala ang prinsesa sa hating-gabi.

     Sa kalagitnaan ng gubat na malapit sa palasyo, may isang dampang tinitirhan ng isang matandang mangkukulam. Isang araw ay dinalaw ang matanda ng binatang napamahal sa kanya dahil madalas siyang tulungan nito.

     Ngayon naman, ang binata ang humihingi sa kanya ng tulong. "Maganda pong talaga ang prinsesa kaya tulungan po ninyong magtagumpay ako sa kanya." Binigyan siya ng matanda ng isang balabal na kapag kanyang isinampay sa mga balikat niya ay hindi siya makikita ninuman. Binindisyunan siya ng matanda at pinagbilinang magpakaingat bago siya nagpaalam.
     Nang gabi ring iyon, nasa labas na nga siya ng silid ng prinsesa at handang magbantay. Biglang nabuksan ang pinto at tumambad sa kanyang paningin ang napakagandang binibini.


     May iniabot sa kanyang isang basong inumin na noong makatalikod ang prinsesa ay kanyang itinapon sa isang masitera ng halaman. Naluoy agad ang mga dahon ng halaman.

     Nagkunwaring natutulog, ang binata sanhi ng tinunggang inumin. Nang maramdaman niyang lumabas sa silid ang prinsesa, isinoot niya ang mahikang balabal at sinundan niya ito. May dinaraanan palang tagong pintuan ito na palabas sa palasyo.
     Sumakay sa isang naghihintay na karwahe ang prinsesa. Di nito alam ay kasama ang binata dahil hindi niya nakikita ito.

     Nagtuloy sa isang malayong gubat ang karwahe. Sa gitna ng mga kahuyan huminto ito at bumaba ang prinsesa. Nakipag sayaw siya sa mga gitanong nagkakaipon doon at nagsasaya.
     Sa likod ng isang puno, tinanggal ng binata ang kanyang balabal at naglagay ng maskara.
Nilapitan niya ang prinsesa at sila'y nagsayaw. Nagsayaw sila nang nagsayaw hanggang mapagod ang dalaga at halos mabutas ang mga suwelas ng sapatos.

     Muling isinoot ng binata ang balabal nang paalis na ang karwahe at sila'y bumalik sa palasyo. "Masasabi mo ba kung bakit nawawala ang prinsesa sa hating-gabi?" tanong ng hari nang humarap sa kanya ang binata kinaumagahan. "Opo, Mahal na Hari! Nakikipagsayaw po siya sa mga gitano sa gubat gabi-gabi. Ito po ang katunayan-itong halos warak nang sapatos na kinuha ko sa kanyang pinagtapunan matapos na makasayaw siya."

     Ipinatawag ng hari ang prinsesa at hindi naman ito makatanggi sa amang nagpakita ng katunayan. Balak pa sana ng prinsesa na umayaw na maging asawa ang binata, ngunit nang ilagay nito ang maskara, nakilala niya ang kasayaw na kinagiliwan nang nagdaang gabi.
Tumugtog ang banda at masuyong niyaya ng binata na magsayaw sila ng prinsesa na masaya namang yumakap sa kanya.



Ang Aral ng Damo

     May anghel na galing sa langit na nagbisita upang tiyakin kung tunay ngang ang lahat ng nilalang sa kagubatan ay nasisiyahan. "G. Punongkahoy, ikaw ba'y maligaya?" tanong ng anghel.
"Hindi," ang sagot sa tinig na walang sigla, "sapagkat ako'y walang bulaklak."

     Ang anghel ay nagpunta sa bulaklak upang magsiyasat. "Bb. Bulaklak, ikaw ba'y maligaya sa iyong paligid?" "Hindi ako maligaya sapagkat wala akong halimuyak. Masdan mo ang gardenia sa banda roon. Siya'y umuugoy sa amihan. Ang kanyang bango na taboy ng hangin ay kahali-halina!"
Ang anghel ay nagpunta sa gardenia upang mabatid ang damdamin nito. "Ano ang masasabi mo sa iyong halimuyak?" "Ako'y hindi nasisiyahan. Wala akong bunga. Naiinggit ako sa saging! Iyon, siya'y natatanaw ko. Ang kanyang mga piling ay hinog na!"

     Ang anghel ay lumapit sa saging, nag magandang-araw at nagtanong, "G. Saging, kumusta? Ikaw ba'y nasisiyahan sa iyong sarili?" "Hindi. Ang aking katawan ay mahina, hindi matibay na tulad ng sa narra! Pag malakas ang hangin lalo't may bagyo, ako'y nababali! Nais ko sanang matulad sa narra!"
     Nagpunta ang anghel sa narra at nagtanong, "Anong palagay mo sa iyong matibay na puno?"
"Sa ganang akin, gusto ko pa ang isang damo! Ang kanyang mga dahon ay matutulis. Ang mga ito'y nagsisilbing proteksiyon!" pakli ng narra.

     Ang anghel ay nagpunta sa damo. "Kumusta ka ? Ano ang nanaisin mo para sa iyong sarili?"
"Masaya ako !" sagot ng damo . "Ayaw kong mamumulaklak. Walang kwenta ang bunga. Ayaw ko rin ng matibay na puno. Gusto ko'y ako'y ako... hindi nananaghili kaninuman pagkat maligaya!"


Ang Sapatero at ang Dwende

     May isang sapatero na ubod ng hirap at may materyales lang para sa isang pares na sapatos. Isang gabi ginupit na niya at inihanda ang mga materyales para gawin sa umaga ang sapatos.
Anong laking gulat niya nang magisnan niya kinaumagahan na yari na ang mga sapatos at kay husay pa ng pagkakagawa! Madaling naipagbili niya ang sapatos at nakabili siya ng materyales para sa dalawang pares.

     Inihanda na uli ang mga gagamitin para sa kinabukasan. Paggising niya sa umaga nakita uli na yari na ang dalawang pares na sapatos. Naipagbili niyang madali ang mga sapatos at bumili naman siya uli ng mga gamit para sa apat na pares. Inihanda niya uli ito sa mesa para magawa sa umaga.
Ganoon na naman ang nangyari, na tila may tumutulong sa kanya sa paggawa ng mga sapatos. Kinalaunan, sa tulong ng mahiwagang mga sapaterong panggabi, gumaling ang buhay ng sapatero.
"Sino kaya ang mabait na tumutulong sa akin," tanong niya sa asawa.
"Sino nga kaya? Gusto mo, huwag tayong matulog mamaya at tingnan natin kung sino nga siya?" alok ng babae.

     Ganoon nga ang ginawa ng mag-asawa kinagabihan. Nagkubli sila sa likod ng makapal na kurtina para makita kung ano nga ang nangyayari sa gabi. Nang tumugtog ang alas dose, biglang pumasok sa bintana ang dalawang kalbong dwende. Tuloy-tuloy ito sa mesa at sinimulan agad ang pagtatrabaho. Pakanta-kanta pa at pasayaw-sayaw pa na parang tuwang-tuwa sila sa paggawa. Madali nilang natapos ang mga sapatos at mabilis din silang tumalon sa bintana. "Mga dwende pala!" sabi ng babae. "Kay babait nila, ano?" "Oo nga. Paano kaya natin sila pasasalamatan? Ayaw yata nilang magpakita sa tao." "Hayaan mo. Itatahi ko sila ng mga pantalon at baro at iiwan na lang natin sa mesa sa gabi."
Dalawang pares na maliliit na pantalon at dalawang pang-itaas ang tinahi ng babae para sa mga matutulunging dwende. Ipinatong nila ito sa mesa kinagabihan at nangubli uli sila sa likod ng kurtina.
Tuwang-tuwa ang maliliit na sapatero nang makita ang mga damit dahil nahulaan nilang para sa kanila iyon. Isinuot nila ang mga ito at sumayaw-sayaw sa galak.

     Pagkatapos nilang magawa ang mga sapatos na handang gawin, mabilis silang tumalon sa bintana na suot ang mga bagong damit. Buhat noon hindi na bumalik ang dalawang dwende ngunit nagpatuloy naman ang swerte sa buhay ng mag-asawa na marunong gumanti sa utang na loob.


Ang Manok at ang Uwak

     Alam ba ninyo kung bakit ang manok ay lagi nang nagkukutkot sa lupa? Alam din ba ninyo kung bakit kapag may lumilipad na uwak sa itaas ay takut na takot ang inahing tatawagin sa ilalim ng pakpak niya ang mga sisiw? Ganito ang pangyayari.
     Noong araw, magkaibigang matalik ang manok at ang uwak. Madalas dumalaw ang uwak kay inahin at makipaglaro sa mga sisiw nito.

     Isang araw, sa paglalaro nila, napansin ng manok na may magarang singsing ang ibon. "Uy, pahiram naman ng singsing mo. Ang ganda-ganda!" sabi niya sa uwak. "Sige, iiwan ko muna ito sa iyo. Bukas ko na lang kukunin uli," sagot ng uwak na mabilis na lumipad uli.
     Naglalakad ang inahin at tuwang-tuwa na ipinakikita sa ibang hayop ang singsing niya nang lumapit ang isang tandang. "Bakit mo suot iyang di sa iyo? Iyang uwak ay hindi manok na tulad natin, kaya hindi ka dapat makipagkaibigan diyan. Itapon mo ang singsing!"

     Sa kapipilit ng tandang, itinapon ng inahin ang singsing. Kinabukasan, napansin agad ng uwak na di niya suot ito. "Nasaan ang singsing ko?" tanong ng ibon. "Ewan ko," takot na sagot ng manok. "Naglalakad lang ako ay bigla na lang nawala sa mga kuko ko. Luwag kasi."
     Nahalata ng uwak na nagsisinungaling ang manok dahil nanginginig ito. "Alam ko, itinapon mo siguro dahil ayaw mo na sa akin. Hanapin mo iyon at ibigay mo uli sa akin. Hanggang hindi mo naisasauli ang singsing, kukuha ako ng makikita kong sisiw mo at ililipad ko sa malayo."

     Buhat na nga noon, tuluy-tuloy ang pagkutkot ng manok sa lupa para hanapin ang itinapong singsing. Pati ibang mga manok, sa pakikisama sa kanya, ay naghahanap din. Kapag may lumilipad na uwak sa itaas, mahigpit ang tawag ng inahin sa mga sisiw at tinatakluban agad ng mga pakpak dahil baka danggitin ng uwak.


Ang Matalinong Pintor

     Masama ang loob ni Zandrey habang minamasdan niya ang kahabaan ng bakuran nila. Bitbit niya sa kanang kamay ang isang lata ng pinturang puti at sa kaliwang kamay ang brotsang gagamitin sa pagpipintura.

     Nag-aalmusal pa siya nang sabihin sa kanya ng nanay niya na, "Huwag kang aalis, Zandrey, dahil may ipagagawa ako sa iyo." "Ano po iyon, inay?" tanong ni Zandrey na nag-uumpisa nang mag-alala. Kasunduan nilang mga magkababata na maglalaro ng basketbol sa parke ngayong umaga.
"Pangit na ang pintura ng ating bakod. Kupas at marumi pa. Nakabili na ako ng pinturang puti at brotsa at maaari mo nang masimulan pagkakain mo. "Hindi maaring hindi susunod sa utos. Mabait ito kung sa mabait, ngunit ang mga utos niya ay parang utos ng reyna na di mababali.
     Habang minamasdan ni Zandrey ang bakuran, lalo namang nagsisiksikan sa pag-iisip niya ang tiyak na nasa laruan nang mga kababata, malamang ay inip na inip na sa pag-aantay sa kanya, o di kaya'y naglalaro na at hindi na siya hinintay.

     Isinawsaw niya ang brotsa sa lata ng pintura at dahan-dahang idinampi sa isang sulok ng mahabang bakuran. "Sa lahat ng trabaho, ito talaga ang nakakapundi," wika niya sa sarili. "Binabalak pa naman namin ni James na ilampaso ngayon sina Henry."

     Nang walang kagana-ganang isasawsaw na uli ang brotsa sa lata ng pintura, natanaw niyang dumarating ang kapwa bata ring si Vince. "Hoy, Zandrey!" Di siya lumingon at kunwari ay walang narinig. Binilisan niya ang paghahaplos ng pintura sa bakod. "Ano ang ginagawa mo, Zandrey?"
Wala pa rin siyang narinig. Humakbang siya sa likod at sinipat ang napinturahan na. "Kawawa ka naman, Zandrey. Nagpipintura ka." "Oy, nandiyan ka pala, Vince. Di kita napansin."

     Isinawsaw na uli ni Zandrey sa lata ang brotsa at ganadong-ganadong itinuloy ang pagpipintura. Maya't-maya'y sinisipat ang napintahan na. Sisipol-sipol siya at tila tuwang-tuwa sa ginagawa. Si Vince ay nakatungangang nagmamasid. "Papinta rin nga," maya-maya'y pakiusap, nito. "Titikman ko lang magpintura." "Ay, huwag! Baka hindi mo kaya. At saka, magagalit ang nanay ko. Kailangang maayos ang pintura nito." "Sige na, patikim lang. Aayusin ko. O, ibibigay ko sa iyo ang trumpo ko, pagpintahin mo lang ako." "O, sige na nga." Naupo si Zandrey sa isang tabi at hinayaang magpintura ang kababata. Habang pinapanood niya si Vince, nabuo sa isipan niya ang isang balak para mapadali ang trabaho niya at makaipon pa siya ng mga regalo.

     Nang umalis na ang napagod nang si Vince, sumunod namang naisahan ni Zandrey si Armel. Binigyan siya nito ng yoyo kapalit ng pagpipintura sa bakod. Sumunod naman dito si Erick, saka si Ethan, si Alexander, si Richard.

     Nang matapos ang araw, malaking kayamanan ang inisa-isang bilangin ng matalinong si Zandrey - may yoyo, trumpo, tatlong malalaking sigay, kandadong walang susi, larawan ni Batman at Robin, komiks na Superman, mahabang tali ng borador, plastic na baril-barilan, singsing na tanso....
Pinagmasdan niya ang bakod na pininturahan. May makapal, may manipis, may paayon, pasalungat, may kulang-kulang na pintura. Ngunit sa paningin ni Zandrey, ang bakod ay napakaganda, dahil ni-kaunti man ay di siya napagod at nakakamal pa siya ng maraming yaman.

No comments:

Post a Comment