Fashionista Girl

Tuesday, January 10, 2017

ALAMAT NG PALAKA

     Noong unang panahon, may isang bayan na biniyayaan sa likas na yaman. Sa bayang ito, ang mga pananim ay matataba at hitik sa bunga. Ang kanilang mga gubat ay puno ng mga mababangis na hayop at iba’t ibang klase ng punong kahoy. Ang mga alagang hayop ay matataba at malulusog. Maging ang kanilang mga ilog at batis ay hitik sa mga isda na puwedeng makain. Napakaganda ng lugar at masasabi ng sinumang makakita sa bayang ito na sadya ngang pinagpala ang lugar.
     Subalit kung gaano kaganda ang lugar ay ganoon naman kapangit ang ugali ng mga naninirahan sa bayang iyon. Ang mga taong bayan ay sakim at mapagmataas. Madalas nagkakaroon ng mga away sa pagitan ng mga magkakapitbahay sapagkat ayaw nilang magbigayan. Sa halip na tumulong sa kanilang kapwa ay pulos ang pansariling kapakanan ang iniisip nila.
     Maging ang mga nagagawing bisita sa kanilang bayan ay hindi ligtas sa kanilang pagmamalabis. Hindi nila tinatanggap ng malugod ang kanilang mga bisita sa halip ay pinalalayas nila ang mga ito lalo na ang mga sa tingin nila ay walang pakinabang sa kanila. Sa isip nila, ang mga taong dumadayo sa kanilang lugar ay nais lamang na nakawin ang kanilang mga likas na yaman kaya’t pinagtatabuyan nila ang lahat.
      Isang araw, may dalawang bata ang naligaw sa bayan. Mukhang pagod na pagod ang mga bata at tipong malayo pa ang pinanggalingan. Naghanap ang mga bata ng masisilungan. Nagawi sila sa may batis. Nang makita ng mga bata na malinis ang tubig ay iniunat nila ang kanilang mga kamay upang makainom.
     Ngunit bago pa man din umabot ang kanilang mga kamay sa tubig ay may narinig silang mga boses na sumisigaw. Lumingon ang mga bata at nakita ang mga taong bayan na nanlilisik ang mga mata sa galit. Pilit na pinalalayas ng mga ito ang dalawa.
     Nakiusap ang mga bata na kung puwedeng maka-inom ng tubig dahil sa nanunuyo na ang kanilang mga lalamunan sa uhaw. Ngunit nagmatigas ang mga taong bayan. Hindi nila pinainom ang mga bata. higit pa roon, tumalon sila sa batis at hinalo sa pamamagitan ng kanilang mga paa ang tubig nang sa gayon ay naging putikan ito at tiyak na hindi makakainom ang dalawang bata.

     Sa ginawa ng mga ito ay biglang nagliwanag ang paligid at nag-iba ang anyo ng dalawang bata. Sila pala ay tunay na mga diwata na nagpanggap lamang na mga bata.
     Nagalit ang mga diwata sa kasakimang pinakita ng mga taong bayan. Pinarusahan ng mga diwata ang mga ito na manatili sa putikang iyon at doon manirahan. Ang kanilang bayan ay maglalaho dahil sa hindi sila karapatdapat sa kayamanang kanilang tinamasa.
    
Hindi pa man natatapos sa pagsasalita ang mga diwata ay nagbago na ang anyo ng mga tao. Bigla silang lumiit at nagkaroon ng mga mahahabang binti. Lumaki din ang kanilang mga mata at humaba ang mga dila.
     Simula noon ay sa putikan na nga naninirahan ang mga ito. Binabantayan ang sa akala nila ay ang dating mayaman nilang bayan. Sa ngayon tinawag silang mga palaka at napakaingay na nagmamando sa lahat na lumayas.

No comments:

Post a Comment